Sa madaling salita, ang Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa ang solusyon sa pinakamatagal nang problemang kinakaharap ng mamamayang Pilipino.
Ang Pambansang Industriyalisasyon ay nangangahulugan ng pagpapaunlad at pagsasabansa ng mga industriya tulad ng pagmamanupaktura ng bakal, produksyon ng makinarya, at pagpoproseso ng masaganang hilaw na materyales na matatagpuan sa ating bansa. Magbibigay din ito ng trabaho sa milyun-milyong kulang sa trabaho at walang trabahong Pilipino, upang hindi na nila kailangang mangibang-bansa para lamang maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Samantala, ang Tunay na Reporma sa Lupa ay nangangahulugan ng pagbuwag sa monopolyo ng malalaking panginoong maylupa sa malalawak na hacienda at libreng pamamahagi ng mga lupang ito sa mga magsasakang aktwal na nagbubungkal sa mga ito, na marami sa kanila ay nananatiling baon sa utang sa kanilang mga panginoong maylupa para lamang mabuhay. Ang atrasadong kalagayan ng ating agrikultura ang ugat ng kawalan ng seguridad sa pagkain at ng ating pag-asa sa pag-aangkat ng libu-libong tonelada ng bigas, sa kabila ng malalawak na lupang nakalaan sa pagtatanim ng palay.
Higit na may kakayahan ang mga ordinaryong Pilipino at mga propesyonal mula sa iba’t ibang larangan na tahakin ang landas ng Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa. Subalit sa napakahabang panahon, mas pinapaboran ng ating mga pulitiko ang mga kahilingan at interes ng mga dayuhang kapangyarihan. Ito rin ang modelo ng pag-unlad na sinunod ng mga pinakamakapangyarihang bansa ngayon, tulad ng China, US, at iba’t ibang bansa sa Europa. Ang kailangan natin ay iakma ang modelong ito sa partikular na kalagayan at konteksto ng ating sariling bansa.
Pambansang industriyalisasyon
Ang pambansang industriyalisasyon ay ang pagtatayo ng produktibong kapasidad na pag-aari ng Pilipino — mula sa mga batayang industriya, paggawa, at industriyang rural — para mas marami ang ginagawa ng bansa kaysa sa kinokonsumo nito, sa halip na umasa sa pagluluwas ng hilaw na materyal at pag-angkat ng yaring produkto. Ibig sabihin, gagamitin ang likas na yaman at paggawa ng bansa para sa pagtatayo ng domestikong industriya, kung saan ang mga estratehikong sektor tulad ng agrikultura, langis, pagmimina, heavy metal, teknolohiya, at iba pa ay nasa ilalim ng pampubliko o pambansang kontrol para sa kapakanan ng taumbayan.
Tunay na reporma sa lupa
Ang tunay na reporma sa lupa ay nananawagan ng malayang pamamahagi ng lupang agrikultural sa mga walang lupa na magsasaka, pagbuwag sa kontrol ng mga panginoong maylupa, at suporta para maging produktibong prodyuser ang mga magsasaka. Maaaring mula ito sa minimum na programa ng pagbaba ng renta sa lupa at interes, mas murang gastos sa pagsasaka, mas mataas na sahod sa bukid, at kooperatibang pagsasaka; ang maximum na programa ay umaabot sa malayang pamamahagi ng lupa sa mga walang lupang magsasaka.
Kapag pinagsama, ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ay alternatibo sa Pax Silica dahil nag-aalok ito ng estratehiyang pangkaunlaran na nakaugat sa sariling bansa, nakasentro sa lupa at paggawa, kaysa sa pagsama sa isang blokeng pinamumunuan ng US at nakasandal sa AI at semiconductor supply chain. Layunin ng Pax Silica na siguraduhin ang allied supply chain para sa chip, mineral, enerhiya, AI infrastructure, at advanced manufacturing, habang ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ay nakatuon sa mga batayan at agarang pangangailangan ng mamamayang Pilipino: soberanya sa pagkain, pamamahagi ng lupa, ekonomikong kasarinlan, domestikong industriya, at ang ekonomikong backbone para ipagtanggol ang soberanya laban sa mga superpower tulad ng US at China.
Teknolohiya para sa bayan!
Hindi kailangang makuntento ng mamamayang Pilipino sa advanced technology na nagnanakaw ng napakalaking lupa, tubig, at kuryente. Hindi natin kailangang gamitin ang parehong artificial intelligence models na regular na nagnanakaw ng trabaho mula sa mga manggagawa sa iba’t ibang dako ng mundo. Sinasamantala ng pinakamalalaking tech corporation sa mundo ang teknolohiya para manipulahin at kumita sa mga user sa buong mundo, habang itinatago ang mga advancement na ginagawa nila at sinisigurong hindi ito maaangkin, mapag-aaralan, at magagamit ng taumbayan para gumawa ng sariling teknolohiyang angkop sa pangangailangan natin.
Hindi ang teknolohiya ang kaaway, kundi kung sino ang kumokontrol at nagdidikta nito at kung para saan ito ginagamit. Malinaw na nais ng US na ipagpatuloy ang pagbuo ng artificial intelligence at iba pang advanced technology para sa tanging layuning patatagin ang dominasyon nito sa ibang bansa. Hinihiling natin ang teknolohiyang pag-aari at kontrolado ng taumbayan, kung saan magagamit natin ang oras at resources sa pagbuo ng mga teknolohiyang agarang at tunay na kailangan ng tao.